Orihinal na nailathala itong artikulo sa wikang Ingles noong ika-24 ng Disyembre, 2020 at sinalin ito ni Misty Pegram sa Tagalog. Click here to read this article in English.

Nang mag-positibo ang COVID-19 test ni Jenny Delos Santos noong Abril, pinakahuling tama lang iyon sa isa ngang malubhang taon.

Pansamantalang nakaalis si Santos sa kanyang trabaho bilang news assistant — nagluluksa siya sa pagkamatay ng dalawa niyang anak bago ang pandemya — nang malaman niya na pinakawalan siya sa trabaho noong huling bahagi ng Marso. May sakit na siya, at nagpa-test ng coronavirus nung parehong araw.

Noong makuha niya ang positibong resulta ng test mahigit isang linggo makalipas, wala na ang kanyang insurance na pangkalusugan na galing sa Honolulu Star-Advertiser. Habang lalo siyang nahirapang huminga at lumala ang kanyang ubo, nagkaroon siya ng mga guni-guni at nakakita ng mga anghel sa balikat ng kanyang asawa. Nalaman din niya na, para sa iilan, epekto din ito ng bayrus. Sa kabila ng nararamdaman niyang sakit, ayaw ni Santos na magpatingin sa doktor at manganib na dagdagan pa ang utang medikal niya.

Jenny Delos Santos.
Nawalan ng trabaho si Jenny Delos Santos habang may sakit na COVID-19. Naranasan niya ang dobleng pasakit ng pandemya na tumama nang malala sa komunidad ng mga Pilipino sa Hawai’i. Cory Lum/Civil Beat

Isa si Santos sa libu-libong residente na Pilipino na nagpositibo sa COVID-19 mula noong tumama ang pandemya sa mga isla siyam na buwan ang nakalipas. Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan ng estado, bumubuo ang komunidad ng mga Pilipino sa 16% ng populasyon ng estado sa Hawaii, ngunit kabilang ang mga ito sa mahigit ikalimang bahagi ng mga kumpirmadong kaso. Ito ay ikalawa sa pinakamalalang disparidad sa estado, at sumusunod lamang ito sa mga non-Hawaiian na Pacific Islanders. Mula noong Biyerenes, 226 Pilipino ang napa-ospital at 58 ang namatay.

Nadadagdagan ang malaking agwat sa bilang ng mga kaso ng abot-langit na pagkawala ng trabaho sa industriya ng turismo sa Hawaii, kung saan nagtatrabaho ang libu-libong residente na Pilipino. Nitong nakaraang dalawang buwan, naglunsad ang gobyerno at mga organisasyong pangkomunidad ng mga pakikipag-ugnayan at tulungan sa komunidad ng mga Pilipino sa pamamagitan ng libreng pagte-test, pagpupulong sa komunidad, radyo, at social media.

Kabilang si Rochelle Mae Cadiente sa ilang estudyante ng University of Hawaii na tumutulong sa Philippine Medical Association of Hawaii na mag-polyeto sa mga pamilihan at maglahad ng impormasyon sa social media upang maiwasan ang pagkalat ng bayrus.

“Kapag ang isang tao ay nagdurusa, lahat tayo ay nagdurusa,” sabi niya.

Nakipagsosyo ang isang Pilipino na COVID-19 task force sa iba’t ibang non-profit na organisasyon at sa Filipino Community Center para gamitin ang pederal na pondo ng CARES Act upang edukahin ang libu-libong residente na Pilipino tungkol sa bayrus at kung paano maiwasan ito. Nakapaglunsad ng isang radiothon ang grupo noong katapusan ng linggo ng Thanskgiving at nag-alok ng pagte-test ng COVID-19 pagkatapos ng misa tuwing Linggo nitong Disyembre.

Tinatantya ni Agnes Malate, isang propesor sa University of Hawaii, na inabot ng mahigit 20,000 katao ang grupo sa pamamagitan ng radyo, social media at in-person na pangyayari mula noong magsimula ito nitong Nobyembre. Naghahabol silang gamitin ang mga pederal na pondo bago ang dedlayn ng paggastos nito sa ika-31 ng Disyembre.

“Kinailangan naming bilisan at magpakilos,” sabi niya. Hanggang ngayon, napansin ng mga miyembro ng grupo ang kritikal na pangangailangan ng impormasyon na naisasalin sa mga wikang Pilipino, at may mga pagsisiyasat kung saan lumabas na 75% ng mga sumasali sa mga ganap nila ay nagsasalita na wika na iba sa Ingles.

Pangingibabaw sa Mantsa

Hindi laging madali abutin ang komunidad ng mga Pilipino sa Hawaii. Nitong nagdaang Linggo, tahimik at mabagal ang lugar ng pagte-test sa paradahan sa likod ng St. Joseph’s Church sa Waipahu. Karamihan ng kongregasyon ng simbahan na ito ay Pilipino, ngunit halos isang dosenang tao lamang ang nagpasyang magpa-test.

Umaabot ang hamon na ito sa pagsubaybay sa kontak ng mga tao (contact tracing), ang proseso ng paghahanap sa mga taong maaaring mahawa ng isang may sakit na coronavirus. Si Chantelle Matagi, na namumuno sa pangkat ng contact tracing na nakatuon sa mga Pacific Islanders, kabilang na ang mga Pilipino, ay nagsabi na madalas nilalabanan ng kanyang tim ang mantsa ng COVID-19 at pagkawalang-tiwala sa gubyerno.

“Katulad ng mga Pacific Islanders, mayroong sariling kolonyal na kasaysayan ang mga Pilipino na nagkukulay sa kung paano nila tinitignan ang mga entidad ng gobyerno,” ani Matagi.

Maraming tao din ang nagaalala na maaari silang magkagulo sa mga nagpapatupad ng batas o mga opisyal sa imigrasyon. Nag-isyu ang Honolulu ng walang uliran na bilang ng mga tiket para ipatupad ang mga utos na manatili sa bahay.

“Kailangan din naming mag-ingat at ipatiyak sa kanila na hindi kami nandun para pumulis, pumulis at magsumbong,” sabi niya. Sinasabi nila sa mga tao, kapag nakikipagtulungan sila sa mga contact tracers, “Hindi mo ilalagay sa panganib ang mga kamag-anak niyo.”

Si Kremlin Manuel ay isang Pilipinong imigrante at myembro ng U.S. Army National Guard na katrabaho ni Matagi sa mga imbestigasyon ng pagkontak (contact investigations). Sa isang karaniwang araw, magkokontak ang tim nila ng 25 pamilya. Minsan, halos dalawang oras nilang kinakausap ang mga pamilya upang mabuo ang kanilang tiwala at para makuha ang mga impormasyong kinakailangan. Kung minsan, kapag may namatay na mahal sa buhay dahil sa COVID-19, emosyonal at napipighati ang mga pamilya. Sa ibang pagkakataon, hindi talaga nila sinasagot ang telepono.

“Yung pangunahing bagay ay yung takot, yung takot sa mga kahihinatnan,” ani Manuel. “Kaya di nila sinasagot ang telepono. O di kaya yung pinapahiya nila ang komunidad ng mga Pilipino. Isang bagay pa iyon.”

Binuo ang pangkat nina Matagi at Manuel para sa contact investigations noong kalagitnaan ng Oktubre at ngayon, may 20 miyembro na nagsasalita ng siyam na wika, kabilang ang tatlong wikang Filipino — Tagalog, Ilokano at Cebuano. Ani Matagi, ang mga kalakaran na nakikita niya sa mga pamilyang PIlipino na natamaan ng COVID-19 ay sumasalamin sa mga nakikita niya sa mga pamilya na Pacific Islander: nagtatrabaho sila sa harap ng publiko, may mga dati nang kondisyong medikal at kadalasan ay walang pangkalusugan na insurance. Marami din ay mga manggagawang pangkalusugan at nagtatrabaho bilang tagapag-alaga ng mga matatanda.

Hindi nagbibigay-puwang ang mga trabaho nila para iwasan ang panganib na mahawa. “Kapag nars ka, may inaalagaan ka, nagtatrabaho ka sa kainan, hindi lang siya posible,” ani Matagi. “Kailangan mong pumasok o hindi ka babayaran.”

Marami din ang nakatira sa masikip at multigenerational na bahay para tustusan ang mataas na presyo ng pamumuhay sa Hawa’i. Sa isang pag-aaral ng estado na ginawa noong 2018, sinuri ang datos ng Census tungkol sa mga pamilyang may bahaging Pilipino – halos sangkapat ng populasyon ng estado — at nakita na sa kalakhan, ang mga bahay na pinagmamayari ng mga Pilipino ay may higit limang tao, at ang mga inuupahan ng mga Pilipino ay may kadalasang higit apat na katao, mas mataas ito kaysa sa karaniwan ng estado.

Libu-libong Walang Trabaho

Noong unang mga buwan ng pandemya, walang kilala si Cadiente na nagkasakit dahil sa COVID-19. Nitong nakaraan, nalaman niya na nahawa ang isa sa mga kaibigan niya at pinaghihinalaan niyang tinago niya ito nang ilang linggo dahil nahihiya siya. Mas malinaw kay Cadiente ang epekto ng pandemya sa ekonomya. Ang kanyang ina, na superbisor ng housekeeping sa isang lokal na hotel, ay hindi nakapagtrabaho nang ilang buwan.

Hindi siya nag-iisa. Mahigit 18,500 Pilipino ang nag-file ng unemployment sa Hawaii, mahigit pa sa ibang grupong etniko, ayon sa datos ng estado. Hindi ito kagulat-gulat sapagkat marami ang nagtatrabaho sa nawasak nitong industriya ng turismo.

Ayon kay Bryant de Venecia, tagapagsalita ng Unite Here Local 5, karamihan ng mahigit 11,000 miyembro ng unyon ay Pilipino. Marami ang hindi pa nakakabalik sa trabaho, at malabo ang mga posibilidad para sa ilan, kaya naglalayon ang unyon ng muling pagsasanay para sa iba pang trabaho sa kabuuan.

Malamang, kulang ang bilang ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho sa datos ng estado sa pagkawala ng hanapbuhay. Ayon kay Santos, sa kalaunan, sumuko din siya sa pag-aaplay matapos niyang pagsikapan ang sistema at nakatanggap lamang siya ng pera nang daglian noong Hunyo.

“Mahirap mag-antay sa bagay na hindi mo kailanman makukuha,” sabi niya.

Umaasa siya sa kita ng kanyang asawa, tulong sa upa galing sa mga Katolikong charity at sa mga katrabaho niyang mapagbigay para tustusan ang mga pangangailangan. Isinawalang-bahala na din niya ang mga medikal na bayarin na hindi niya kaya.

Hindi matiyak ni Santos kung saan siya nahawaan ng bayrus, pero iniisip niya kung nangyari ito sa isang sakayan ng bus nung nagbigay siya ng direksyon sa mga turista. Siyam na buwan ang lumipas, nilalabanan pa rin niya ang mga guni-guni at hindi siya sigurado kung aalis sila kailanman.

Ayon kay Matagi mula sa Kagawaran ng Kalusugan, pinahaba ang kanilang mga kontrata hanggang Marso at umaasa silang makakapagpatuloy sila lampas diyan. Umaasa din siyang maunawaan ng mga tao na hindi ang mga komunidad ang problema, kundi napaloob lamang sila sa isang problematikong sitwasyon kung saan wala silang akses sa makatarungang pangangalaga ng kalusugan.

“Marami sa mga disparidad na ito ay sanhi ng mga hindi pagkakapantay-pantay sa sistema,” ani Matagi.

Ginawa itong lathala sa suporta ng USC Annenberg Center for Health Journalism National Fellowship at ang Dennis A. Hunt Fund for Health Journalism.

Not a subscription

Civil Beat is a small nonprofit newsroom, and we’re committed to a paywall-free website and subscription-free content because we believe in journalism as a public service.
 
That’s why donations from readers like you are essential to our continued existence.
 
Help keep our journalism free for all readers by becoming a monthly member of Civil Beat today.

About the Author